BATANGAS , Philippines – Nakapiling ni kamatayan ang militanteng barangay chairman matapos pagbabarilin ng dalawang lalaki sa bayan ng Lemery, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas PNP director ang napaslang na si Chairman Kenneth Gregorio Reyes ng Barangay Maguihan sa nasabing bayan.
Ayon sa police report, pauwi na si Reyes matapos dumalo ng seminar sa Cebu nang harangin at pagbabarilin sa harap ng kanyang bahay sa P. De Joya Street bandang ala-1:40 ng madaling-araw.
“Bago pa naganap ang krimen, nauna nang naaresto si Chairman Reyes sa kasong bawal na droga,” ani Supapo
Kasunod nito, kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan ang pagpatay kay Reyes na presidente ng BAYAN-Batangas chapter.
Si Reyes ay miyembro ng AnakBayan, People First Coalition at Bayan Muna Partylist bago nahalal na barangay chairman.
Ayon sa militanteng grupo, posibleng pinaslang si Chairman Reyes dahil sa pagpigil nito sa demolisyon sa mga squatter, vendors at mangingisda sa bayan ng Lemery.