MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang tatlo pa kabilang ang isang 9 buwang sanggol ang nawawala makaraang manalasa ang buhawi at flashflood sa Sitio Matagdungan, Bukal, Nabunturan, Compostela Valley nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Sr. Supt. Aaron Aquino, Provincial Director ng Compostela Valley Police ang nasawing biktima na si Kristine Berunguis, 4-anyos at Pablo Tibay, minero; pawang magkakasunod na narekober ng search and retrieval team ang bangkay.
Ang mga nawawala ay nakilala namang ang magkakapatid na sina Princess Mae Berunguis, 7; Recil Berunguis, 6 at ang 9 buwang sanggol na si Angel Berunguis; mga kapatid ng batang nasawi sa insidente.
Nasugatan naman sa insidente ang mga magulang ng magkakapatid na sina Rico at Maricel Berunguis.
Sinabi ni Aquino na dakong alas-8:30 ng gabi ng manalasa ang buhawi at flashflood sa nasabing lugar kung saan kapwa tinamaan ang tahanan ng magkapitbahay na sina Tibay at Berunguis.
Sa kasamaang palad ay kasamang natangay ng bahay ng mga itong inanod ng malakas na agos ng tubig baha ang mga nawawalang biktima habang nagawa namang makalangoy at makaligtas ng mag-asawa.
Patuloy ang search and rescue operations sa mga nawawalang biktima.