PAMPANGA, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa isang negosyante at katiwala nito matapos pagbabarilin ng mga 'di-pa kilalang lalaki sa Barangay Pio sa bayan ng Porac, Pampanga noong Lunes.
Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Joel Juco, 43, trader at Noel Ligat, 42, katiwala at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Sa naantalang ulat ng pulisya, lumilitaw na nagpapahinga ang mag-amo sa loob ng kanilang tahanan nang magtahulan ang mga aso sa bakuran kaya inusisa ni Juco.
Gayon pa man, nabungaran ng negosyante ang dalawang di-kilalang lalaki kung saan isa sa gunman ang nagtanong kung sino si Joel.
Dito na tinawag ni Juco ang kanyang katiwala para sumagot subalit itinuro siya sa dalawa kung saan umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Kapwa duguang bumulagta ang mag-amo.
Sa resulta ng post mortem examination ng pulisya, si Lingat ay tinamaan ng bala ng baril sa ulo at kilikili habang si Juco naman sa tiyan kung saan idineklarang patay sa Porac District Hospital.
Pansamantalang inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen habang narekober sa crime scene ang pitong basyo ng cal. 45 pistol. Philippine Star News Service