CAVITE, Philippines — Naaresto ng pulisya ang tatlong miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang na lumabas na suspek din sa pagpatay sa isang lider ni Mayor Strike Revilla, "Strike Force Unit" habang nagsusugal ang mga ito sa Latero, Greenvalley, San Nicolas 3, Bacoor, Cavite kamakalawa.
Kinilala ni Supt. Edgardo Roquero, hepe rito ang mga suspek na sina; Arnel Babia, 30-anyos, tricycle driver, residente ng Brgy. Tubuan Pila, Laguna; Clary Banayado alyas Bungo, 25, residente ng Sambapa, Green Valley, Molino 2, at Edmund Dacumus, 34, at residente ng PH-9, Palermo Citta Italia, Mambog III; pawang ng Bacoor, Cavite.
Sa imbestigasyon nina PO2 Amelso Ortega at PO2 Rodiard De La Peña, kapwa may hawak ng kaso dakong alas-4 ng hapon ng isang concerned citizen ang tumawag sa himpilan ng pulisya at isinuplong na nakitang naglalaro ng "pusoy" ang mga suspek sa nabanggit na lugar.
Narekober sa mga suspek ang 2 hand grenade at 3 bala ng cal. 45 pistol habang positibo namang kinilala ng mga testigong sina Samuel Suarez at Mamerto Elang Jr. kapwa nasa hustong gulang ang mga suspek na siya rin umanong responsable sa pagpatay kay Sem Hermosos alias Boboy isa sa mga lider ni Mayor Revilla noong Marso 13 taong kasalukuyan.