UNISAN, Quezon – Dahil sa maagap na pagkilos ng alkalde na balak biktimahin ng dalawang manloloko, nalansag ng pulisya ang itinuturing na swindling syndicate sa Bondoc Peninsula matapos na maaresto ang dalawa-katao sa bayan ng Mulanay, Quezon, kamakalawa.
Kinilala ni P/Chief Insp. Job de Mesa, chief of police, ang mga suspek na sina Desire Amolar Inciong, 20 at Meynard, 17 (di tunay na pangalan) na kapwa nakatira sa nasabing bayan.
Sa salaysay ni Mayor Nonato Puache, nag-text sa kanya ang mga suspek at humihingi ng P3,000 kapalit ng kanilang pananahimik kaugnay sa sinasabing pangangaliwa ng mayor.
Sinabi ng alkalde na maliwanag na pamba-blackmail ang ginagawa ng dalawa, gayon pa man, inatasan niya ang pulisya na maglatag ng entrapment operation upang matigil ang mga suspek na marami nang nabibiktima sa Bondoc Peninsula.
Ipinadala ni Mayor Puache sa Smart Padala sa Mulanay,Quezon ang hinihinging halaga ng mga suspek at kasunod niyon ay isinagawa na ng grupo ni P/Insp. Eric Veluz ang etrapment operation.
Nakapiit ngayon sa municipal jail si Inciong habang nasa pangangalaga ng DSWD si Meynard dahil sa menor-de-edad.