Truck vs van: 5 dedo,13 sugatan

MANILA, Philippines - Lima-katao ang iniulat na nasawi habang 13 iba pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang dump truck at van sa kahabaan ng highway ng Barangay Ligaya, General Santos City kahapon ng tanghali.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Ireneo Albaracin, 77; Irenea Albaracin, 43; Meme Albaracin, 2; Ronald Albaracin, 20; at isang hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan na pawang magkakamag-anak.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, pasado alas-12 ng tanghali habang pauwi na ang mga biktima lulan ng van mula sa kasalan nang salpukin ng truck ni Noel Donaire pagsapit sa bahagi ng Brgy. Ligaya.

Ayon sa imbestigasyon, tinangkang iwasan ni Donaire ang bisikleta sa kalsada pero sa kamalasan ay sinalpok naman ang kasalubong na van ng mga biktima.

Samantalang kabilang naman sa nakaligtas sa insidente ay ang dalawang sanggol na karga ng kanilang mga magulang.

Show comments