MANILA, Philippines - Mistulang eksena sa pelikula ang katapangan ng isang sundalo matapos sagupain ang limang rebeldeng New People’s Army na ikinasawi ng dalawang rebelde sa kahabaan ng highway ng Barangay Kibongkog sa bayan ng San Fernando, Bukidnon, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Army’s 4th Infantry Division spokesman Major Eugenio Julio Osias ang sundalo na si Staff Sgt. Candelario Curambao na nagpakita ng kagitingan sa pakikipaglaban ng nag-iisa sa mga rebelde.
Lumilitaw na lulan ng motorsiklo si Curambao kaangkas ang kaibigan nang harangin ng grupo ni Ka Angi Dal-anay alyas Ka Taruc na nagsagawa ng checkpoint may dalawang araw na ang nakalilipas.
Mabilis namang tumalon mula sa motorsiklo si Curamboa na sanay sa marksmanship kung saan pinuntirya ang mga rebeldeng may 10 metro ang layo.
Kaagad na bumulagta ang dalawang rebelde kung saan nataranta ang mga kasamahan nito na mabilis na nagsitakas na nabigong ituloy ang paglikida kay Curambao.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Army’s 4th Infantry Division Commander Major Gen.Victor Felix ang kabayanihan na ipinamalas ni Curambao.