CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Apat-katao ang iniulat na nasawi kabilang ang 8-buwang gulang na sanggol na lalaki habang 32 iba pa ang nasugatan matapos magkarambola ang tatlong pampasaherong bus sa Maharlika Highway sa Barangay Pawa, Matnog, Sorsogon noong Huwebes ng madaling-araw.
Kinilala ang isa sa nasawi na si Richard Libuon, 8 buwang sanggol na lulan ng Eagle Star Bus na idineklarang patay sa Matnog Medicare Hospital at tatlong iba pang pasahero na inaalam ang pagkakakilanlan.
Sugatan naman si SPO4 Renante Tarobago ng Intelligence Group at 31 pang pasahero na pawang naisugod sa Sorsogon Provincial Hospital.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni P/Chief Supt. Leonardo Espina, director ng PNP Highway Patrol Group, nagbanggaan ang Eagle Star Bus (UVJ 273) ni Rodito Calungsod; PP Bus (PYT 697) ni Ronnie Sulutan Jr. at ng Philtranco Bus (PYK 873) naman ni Rodel Mercondes sa nasabing highway bandang alas-12:30 ng madaling-araw.
Lumilitaw na patungong Silao, Leyte ang Eagle Star bus nang nag-overtake sa sinusundang sasakyan pero sumalpok sa kasalubong na PP Bus na nasa kabilang linya at patungong Maynila.
Kasunod nito, nawalan ng kontrol sa manibela si Calungsod kung saan nahagip naman ang Philtranco Bus ni Mercondes sa kaliwang bahagi ng highway na kasalukuyan naman nagbababa ng mga pasahero.
Kaagad na sumaklolo ang rescue team at isinugod sa ospital ang mga sugatan habang patuloy naman ang imbestigasyon.