BULACAN, Philippines – Napaslang ang isang 34-anyos na negosyante ng motorcycle spare parts makaraang ratratin ng dalawang ’di-kilalang lalaki sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Look 1 sa Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Pitong bala ng cal. 45 pistola ang tumapos sa buhay ni Odilon Filoteo 34, ng Mother Rita Homes sa nabanggit na barangay. Si Filoteo ay nagnenegosyo ng mga spare parts ng motorsiklo na nasa loob ng kanyang bahay dahil wala itong business permit kung saan sinasabing nadiskubre ng pulisya ang ilang chop-chop na motorsiklo sa bakuran ng kanyang bahay. Base sa record ng pulisya, ang biktima ay may nakabinbing kasong robbery sa sala ni Judger Danilo Manalastas ng Regional Trial Court Branch 7. Base sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Wendy Rosario, lumilitaw na papasok na ng gate ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng maskaradong lalaki. Dino Balabo at Boy Cruz