Mag-asawa, anak nilamon ng apoy

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-asawa at anak nilang babae matapos makulong sa nasusunog na apartment sa malagim na pagsalubong sa fire prevention month sa Angeles City, Pampanga kahapon ng madaling-araw.

Halos hindi na makilala sa grabeng pagkasunog ang mag-asawang Leandro Dumalo, Cristina Dumalo at ang kanilang17-anyos na anak na si Joy.

Napag-alamang mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa kabahayan kung saan ay nabigong mailigtas ang mga biktima dahil sa matinding init na sumisingaw mula sa loob ng apartment.

Tanging palahaw ng tatlo na humihingi ng tulong ang narinig ng kanilang mga kapitbahay.

Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, mahimbing na natutulog ang tatlo nang magsimulang kumalat ang apoy sa kanilang apartment sa Barangay Pulong Bulo dakong alas-3 ng madaling-araw.

Ang bangkay ng tatlo ay narekober sa loob ng kuwarto ng kanilang apartment.

Sa ulat ni Senior Fire Officer 1 Ricardo Agapito, na may posibilidad  na nag-init ang isa sa linya ng kuryente na lumikha ng apoy mula sa bubungan ng apartment.

Show comments