MANILA, Philippines - Apat na alagad ng batas ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Malaybalay Cituy, Bukidnon kahapon ng umaga. Base sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na rumesponde ang mga biktima sa shooting incident sa Barangay Mapayag. Gayon pa man, bandang alas-11:30 ng umaga ay tinambangan ng grupo ng rebelde ang mga biktima pagsapit sa Sitio Tamugawi sa Purok Tres. Pansamantalang hindi muna inilabas ang mga pangalan ng pulis na napatay hangga’t hindi naiimpormahan ang kani-kanilang pamilya. May teyorya ang pulisya na grupo ng NPA’s Front Committee 89 ang nasa likod ng pananambang.