MANILA, Philippines - Patay ang pinuno ng Philippine Military Academy (PMA) Air Warfare Department matapos na pagbabarilin ng nag-iisang gunman habang lulan ng behikulo malapit sa tahanan nito sa naganap na ambush sa Brgy. Kias, Baguio City nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Air Force. Lt. Col. Ferdinand Macasaet, 43-anyos, instructor sa PMA at Chief ng Air Warfare Department ng nasabing institusyon ng militar at miyembro ng PMA Class 1989.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Baguio City Police Director Sr. Supt. David Lacdan, pasado alas-5 ng hapon kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kaniyang Mitsubishi Montero (NHO-513) na pauwi na sa kanilang tahanan sa loob ng Pinesville Subdivision ng mangyari ang ambush.
Ayon kay Lacdan, biglang sumulpot ang gunman na nakasuot ng ski mask na kulay itim na tshirt at saka pinagbabaril ito. Ang nasabing subdivision ay nasa labas lamang ng PMA.
Idineklarang dead-on-arrival dakong alas-6 ng gabi sa PMA Station Hospital ang biktima matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng cal. 40 MM pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagluluksa naman ang PMA sa pagpanaw ni Macasaet at umaasang mabibigyang hustisya ang pagkamatay nito.
“Lt. Macasaet is a fine officer, very intelligent and jolly", ani PMA Dean of Cadet Corps Col. Max Caro na sinabi pang isang mabuting opisyal ang biktima at isang malaking kawalan sa akademya ang pagkamatay nito.
Kaugnay nito, bumuo na ng Special Task Group ang Baguio City Police upang imbestigahan ang motibo ng krimen.
Samantalang kabilang naman sa anggulong iniimbestigahan ng mga awtoridad ayon pa sa pulisya ay ‘business rivalry' dahilan marami umanong negosyo ang opisyal at posibleng may mga taong naiinggit dito.