NUEVA ECIJA, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing makasuhan at masibak sa serbisyo ang isang bagitong pulis matapos magwala at magpaputok ng baril habang nasa drug bust operation sa Barangay Marcos sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat na natanggap ni P/Senior Supt. Roberto Aliggayu, Nueva Ecija Police provincial director, kinilala ang bagitong pulis na si PO1 Efren Calidro y Pangilinan.
Nabatid na dakong alas-7:30 ng gabi, humingi ng tulong si PO2 Arnold Alfonso sa kanilang team leader na si P/Insp. Rolando Salonga, matapos maaresto sa drug bust ang mag-asawang Renato Leabres, 47; at Dalisay Leabres, 47.
Nang dumating ang pangkat ng pulisya sa bahay ng mag-asawang Leabres ay agad-agad na pumasok sa bahay si PO1 Calidro, at nagtanong kay PO2 Alfonso na, “may nakuha ba kayo?.
Nairita si PO2 Alfonso sa sinabi ni PO1 Calidro kaya pinagsabihan na lamang kung saan humantong sa matinding pagtatalo na sinasabing pinagmumura ang una at hinamong magbarilan na lamang sila.
Imbes na bumunot ng baril, tinalikuran na lang ni PO2 Alfonso ang galit-na-galit na si PO1 Calidro kung saan walang habas na nagpaputok ng kanyang baril sa ere.
Matapos ang tensyon ay pinigil ng iba pang pulis ang suspek at dinisarmahan saka dinala sa presinto.