MANILA, Philippines – Patay ang isang opisyal ng pulisya habang apat pa ang nasa kritikal na kondisyon kabilang ang tatlong police security escorts makaraang pasabugan ng landmine sa pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa convoy ni Mayor Rolando Evardone sa bayan nito sa Arteche, Eastern Samar nitong Sabado ng umaga.
Batay sa ulat, kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasawing biktima na si Police Inspector Al Lianza Tiantado.
Ang mga nasugatang police escorts ng alkalde ay nakilala namang sina PO1’s Elmer Tizado, Kenneth Tafalla, Sherwin Portajada; pawang ng Police Regional Mobile Group at ang driver na si Noe Operario, isang motorist.
Patuloy namang isinasalba sa pagamutan ang mga biktima na pawang nasa kritikal na kondisyon sa matinding tama ng landmine at pagpapaulan ng bala ng mga rebelde
Bandang alas-11:20 ng umaga habang bumabagtas ang convoy ni Evardone sa bisinidad ng highway ng Sitio Subok, Brgy. Tangbo, Arteche ng lalawigang ito ng paulanan ng bala ng nakaposisyong mga rebelde.
Nabatid na patungo sana ang convoy ng alkalde kasama ang ilang police escorts para i-raid ang isang illegal na sabungan sa Brgy. Catumsan ng biglang sumabog ang landmine na iniumang ng mga rebelde.
Sinabi ni Cruz na nasa ligtas namang kondisyon si Evardone na nahuhuli sa convoy na agad isinakay ng iba pa nitong escort sa bangka matapos ang mga itong umatras sa lugar.
Nagawa namang matangay ng mga rebelde ang mga armas ng naturang mga pulis habang patuloy ang hot pursuit operations ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya.