MANILA, Philippines – Nilamon ng apoy ang sinasabing isa sa sampung mansion ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa Marfori Heights, Davao City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Supt. Rene Aspera, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang masunog ang mansion ng isa sa mga misis ni ex-Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
Sinabi ni Aspera na naabo ang basement, tagilirang bahagi ng mansion at ang Nissan Terrano na nakaparada sa garahe na may 10-talampakan ang konkretong bakod at palaging naka-padlock.
Lumilitaw na caretaker lamang ng pamilya Ampatuan ang nasa loob ng compound nang masunog ang mansion kung saan naapula bago mag-alas-4 ng madaling-araw.
Nakakita naman ang mga arson investigator ng isang bote ng softdrinks na pinaniniwalaang pinaglagyan ng gasolina kaya lumutang ang teorya na sinadya ang sunog na aabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.