2 negosyante itinumba

MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawang negosyante matapos pagbabarilin sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa General Santos City at Kidapawan City kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Dario Qjamco, may-ari ng patahian at nakatira sa Barangay Bagong Silang Labangal sa General Santos City at si Judith Antolin, 42, may-ari ng restaurant at residente ng River Park, Brgy. Poblacion Kidapawan City, North Cotabato. Nabatid na si Qjamco ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa vedeoke bar sa Barangay Lagao nang lapitan at ratratin sa ulo bago tumakas lulan ng motorsiklo, ayon kay P/Senior Supt. Cedric Train, hepe ng pulisya sa General Santos City. Naisugod pa sa St. Elizabeth Hospital ang biktima ngunit idineklarang patay. Samantala, si Antolin naman ay nagpapahinga sa loob ng kanyang tahanan nang pasukin at ratratin ng mga 'di-pa kilalang lalaki sa Barangay Poblacion, Kidapawan City. May palatandaan ding nakipambuno ang biktima sa mga suspek subalit sa tindi ng tama ng bala sa dibdib ay bumuwal din ito. Napag-alamang bago naganap ang pamamas­lang ay nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay ni Antolin pero binabalewala lamang ito.

Show comments