BIR official itinumba

ANTIPOLO CITY, Ri­zal, Philippines – Napaslang ang isang 46-anyos na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos pagbabarilin ng mga 'di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Marcos Highway sa Barangay Mayamot kahapon ng umaga. Limang tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang kumitil sa buhay ni Marcelino Yap, revenue district officer ng District 45  sa Marikina City na may tanggapan sa S and C Bldg. sa Marcos Highway, Antipolo City Brgy. Mayamot, Antipolo City. Base sa ulat ng pulisya, naganap ang pananambang ganap na alas-8:45 ng umaga sa harap ng L and M Grill sa kahabaan ng Marcos Highway. Sinasabing naglalakad ang biktima papasok  sa kanilang tanggapan  nang harangin at ratratin saka tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo. Isa sa sinisilip ng mga tauhan ni P/Supt. Rodino Elfa, ay ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima.

Show comments