BULACAN , Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga napatay ay sina Allan Blas, 22; Jeffrey Bulaclac, 20, kapwa nakatira sa Northville 3, Brgy. Bayugo sa Meycauayan City, Bulacan at si Jipen Rita, 23, ng Barangay Bunducan, Bocaue, Bulacan.
Lumilitaw na dakong alas-3:55 ng madaling-araw nang mamataan ng pangkat nina P/Supt. Elvis Diaz at P/Chief Insp. Marlon Santos ang tatlo sa bahagi ng Barangay Duhat na lulan ng motorsiklo na walang plaka.
Nang sitahin ng mga awtoridad ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa tatlong magkakaangkas sa motorsiklo.
Dito na gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang sa bumulagta ang tatlo.
Narekober ang tatlong baril, granada, bonnet, pera, mga cellpone at ang motorsiklo na sinasabing ginamit sa panghoholdap.
Base sa tala ng pulisya, ang tatlo ay itinuturong mga nangholdap ng gasolinahan sa Barangay Saluysoy, Meycauayan City; Media Eatery sa Brgy. Bunlo, LBC Money Remittance sa Brgy.Biñang 2nd at isang babae sa Brgy. Lolomboy sa Bocaue, Bulacan; Internet Cafe Shop sa Brgy. LIas, Marilao, at sa isang negosyante sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan.