Pugot na sanggol natagpuan

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines  – Isang bagong silang na sanggol na babae na walang ulo ang natagpuang nakasilid sa isang itim na bag sa Brgy.San Nicolas ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Brgy. Chairman Rogelio “Illo” Guntalilib ng Brgy. San Nicolas, ang bag kung saan isinilid ang bangkay ng sanggol ay natagpuan dakong alas-6 ng gabi ng isang nagnga­ngalang Eugenio sa Colocol irrigation canal ng Purok 5 sa kanilang lugar.

Sa teorya ng pulisya, ang nasabing sanggol ay tinatayang kapapanganak pa lamang dahil sa laki nito subalit ang ipinagtataka ng mga awtoridad ay kung bakit wala ang ulo ng natagpuang bangkay ng sanggol.

Nadiskubre ang sanggol matapos sungkitin ng malilikot na bata ang isang kulay itim na bag na may tatak ng Metro Bag na inakala nilang pera ang nakalagay kung saan ay bumulaga sa mga ito ang nakakagulantang na laman.

Sinabi naman ni Gunta­lilib na maaring isinilang ang sanggol sa pamamagitan ng hilot o mga estu­dyanteng ina na itinatago ang panganganak kung kaya’t maaring nadisgrasya ang ulo ng sanggol na sanhi ng kanyang kamatayan.

Show comments