MANILA, Philippines - Umabot sa P.1 milyon ang ibinigay sa naarestong gunman ng brodkaster ng RMN Radio na si Dr. Gerardo “Gerry” Ortega na nasawi matapos pagbabarilin sa ukay-ukay store sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan kamakalawa ang umaga.
Ayon kay P/Supt. Orlando Amurao, hepe ng pulisya sa Puerto Princesa City, ang lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon laban sa naarestong suspek na si Marlon Dicamata de Chavez alyas Marvin Alcaraz, 31.
Kasunod nito, natukoy na isang dating opisyal ng Palawan provincial government ang may-ari ng baril na ginamit ng gunman sa pagpatay kay Ortega.
Gayon pa man, tumanggi muna si Amurao na kilalanin ang opisyal sa katwirang maapektuhan ang follow-up operation ng pulisya laban sa mastermind.
Base sa pag-amin ng gunman, P.1 milyon ang inialok sa kaniya ng mastermind para itumba si Ortega, radio commentator ng programang Ramatak ng Radio Mindanao Network (RMN) dwAR.