MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang apartment ng mag-utol na Raymond at Roger Dominguez na sinasabing mastermind sa brutal na pagdukot at pagpatay sa dalawang car dealer sa isinagawang operasyon sa San Fernando City, Pampanga noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa director ng Police Regional Office 3 na si P/Chief Supt. Alan Purisima, bandang alas-6 ng gabi nang lusubin ang apartment sa Unit Greenville Subdivision sa Barangay San Jose.
Isinagawa ang raid matapos makakuha ng search warrant na inisyu ni Judge Ismael Casabar ng Guimba, Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 31.
Base sa naunang ulat, ang magkapatid na Dominguez ay ikinanta ng mga suspek na sina Alfred “Bading” Mendiola at Batibot Parulan kaugnay sa pagdukot at brutal na pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista noong Enero 13 sa Cubao, Quezon City.
Ang sunog na bangkay nito na may tama ng bala sa ulo ay narekober sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Enero 14.
Nasamsam sa operasyon ang 3 baril tulad ng cal. 9mm pistol, cal. 45 pistol, para hi-cap. 40 pistol, magazine ng 9mm, 10-bala ng cal 9mm, 2-magazines ng cal .40 pistol, 50-bala ng cal. 40 pistol, magazine ng cal. 45, 2-handheld radios, 22 sets ng plaka, metal plates na may chassis numbers at iba pang personal na kagamitan.
Ipinaliwanag naman ng opisyal na hindi planted ang mga ebidensyang nasamsam sa apartment ng magkapatid na Dominguez.
Samantala, patuloy naman operasyon para madakip ang mag-utol at mga kasamahan nito sa carjacking syndicate.