Jailbreak: 16 preso pumuga

MANILA, Philippines - Umaabot sa labing-anim na preso ang iniulat na pumuga matapos samantalahing makalingat ang mga guwardiya sa detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology sa Cotabato City kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga pre­song nakapuga ay sina Mandi Kasubidan, Malik Ariman,  Nondo Mokamad, Joko Usop, Darwin Herbias, Mamalo Budsal, Allan Talisaysay, Akmad Tahir, Ranier Kamarudin, Akmad Makmod, Jabide Mampin, Benedict de los Reyes, Fermin Sabordo, Ibrahim Adam, Suharto Abdulla, at si Badrudin Kamensa na pawang may mga kasong murder, robbery, pagbebenta ng droga, baril at estafa.

Ayon sa mga kasamahang preso ng mga pugante, isinagawa ang jailbreak dahil dismayado ang mga preso sa bagong patakaran ni City jail warden P/Inspector Buenaventura Pedrito.

Ayon kay P/Supt. Willie Dangane, Cotabato City PNP director, Lumilitaw na bandang ala-una ng madaling-araw nang maganap ang pagpuga su­balit kinabukasan ng alas-6 nadiskubre ang jailbreak matapos ang headcount sa may 300 preso.

Napag-alamang nilagare ang rehas na bakal sa likurang bahagi ng piitan bago nagsitakas ang mga preso malapit sa ilog na Rio Grande de Mindanao.

Sa follow-up operations ng mga operatiba ng pulisya nasakote naman ang isa sa preso na si Darwin Herbias sa Sitio Tokanes, Brgy. Poblacion, Cotabato City kung saan nagpanggap pang si Darwin Israel.

Nalalagay naman sa ba­lag ng alanganing masibak sa puwesto ang jailwarden at ilang guwardiya ng nabanggit na kulungan dahil sa kapabayaan. (Dagdag ulat ni Jeff Mendez)

Show comments