MANILA, Philippines - Isang barangay chairman ang iniulat na napatay, habang tatlong sundalo naman ang sugatan sa naganap na pagsalakay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Danwata, Malita, Davao del Sur, ayon sa ulat kahapon. Ayon kay Lt. Col. Medel Aguilar, tagapagsalita ng Army’s 10th Infantry Division, kinilala ang nasawi na si Ramon Danwata habang sugatan naman ang mga sundalong tinukoy sa mga apelyidong Sgt. Lazona, Pfc. Antiveros, at Pfc. Tamba. Nabatid na tinangka pang bihagin ang misis ni Ramon na si Susan Danwata. Kaagad namang rumesponde ang tropa ng 10th Infantry Division ng Phil. Army subalit pagsapit sa bisinidad ng Barangay Bolila ay inambus naman ng mga rebelde kaya nasugatan ang tatlong sundalo.