2 holdaper pinabulagta

BULACAN , Philippines   — Napaslang ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang holdaper at drug pusher makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa bisinidad ng Barangay Tawiran sa bayan ng Obando, Bulacan kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Walter Cahanding, 32, ng Barangay Bagna, Malolos City; at Bernie “Tarik” Diaz ng Barangay Hulo, Obando. Sa tala ng pulisya, si Cahanding ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong murder at robbery habang si Diaz ay may nakabinbin ding kasong murder at frustrated murder sa Meycauayan City, Bulacan. Sa inisyal na imbestigasyon lumilitaw na namataan ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Lorenzo Paynor ang dalawa na lulan ng motorsiklo na may plakang 5730 UD sa nabanggit na barangay. Dahil sa kahina-hinalang ikinikilos ng dalawa ay tinangkang sitahin ng mga pulis subalit sinalubong sila ng sunud-sunod na putok ng baril. Dito na gumanti ng putok ang mga pulis na nauwi sa shootout kung saan duguang bumulagta ang dalawa. Narekober ang dalawang baril, granada, ilang sachet ng shabu at motorsiklo ng dalawa na sinasabing miyembro ng Sputnik Brotherhood, Inc.

Show comments