Konsehal, 2 pa sugatan sa ambush

MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasugatan kabilang ang isang kon­sehal makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang gunman sa harapan ng tahanan ng opisyal sa Isabela City, Basilan kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Isabela City Councilor Taib “Max” Alejo at ang kasamahan nitong si Boraman Asiden; pawang isinugod sa isang hospital sa Zamboanga City.

Ang isa pa ay ang 15-anyos na si Alindra Luzaira , residente ng San Rafael na tinamaan naman ng ligaw na bala sa kaniyang noo at isinugod na sa Alano Hospital sa lungsod.

Batay sa ulat ni Basilan Provincial Police Office (PRO) Director Sr. Supt. Cristeto Gonzalodo, naganap ang in­si­dente sa nasabing lugar bandang alas-7 ng gabi.

Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang suspek na agad pinagbabaril si Alejo kung saan nadamay naman sa insidente ang dalawa pang biktima. Narekober naman sa insidente ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang pinaghahanap na rin ang mga suspek.

Show comments