CAMARINES NORTE , Philippines — Nabahiran ng dugo ang ikalawang araw para sa unang buwan ng 2011 kung saan pinaniniwalaang malaking halaga ng pagkakautang ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang magka-live-in sa Purok 2, Brgy Lag-On, sa bayan ng Daet, Camarines Norte, kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa kanang kilikili na tumagos sa dibdib si Salvador “Buddy” Abundancia Sr., 63, operation officer ng Saver Security Agency, biyudo samantalang sa batok naman ang tama ni Maria Nancy Basas, 58, biyuda, ng Purok 5, Brgy. Bagasbas, Daet, Camarines Norte.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na lulan ng scooter ang dalawa nang harangin at ratratin ng mga ‘di-pa kilalang lalaki sa harapan ng NFA Building sa Brgy. Lag-On.
Ayon sa general manager ng nasabing security agency na si Retired Philippine Army Sgt. Juvino Vargas, sa nakalipas na mga araw ay may naghahanap kay Buddy na sinasabing may malaking pera na pagkakautang ang kanyang asawa kung saan si Abundacia ang sinisingil.
Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong bengahan ang isa sa motibo ng krimen.