BATANGAS , Philippines — Ipapatawag ng lokal na pamahalaan ng Batangas ang pamunuan ng Southern Tagalog Arterial Road o StarTollway para pag-usapan ang paglalagay ng karagdagang safety measures sa kahabaan ng tollway at maiwasan na ang pagbubuwis ng buhay sa nasabing lansangan.
Nag-ugat ang panawagan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Vice Governor Mark Leviste matapos maganap na naman ang trahedya sa Startollway kahapon kung saang 7-katao ang nasawi at 4 iba pa ang nasugatan.
“Kailangang damihan ang paglalagay ng speed limit sa tollway at ang mahigpit na pagpapatupad nito. Kasama na rin dito ang pagdidisiplina sa mga reckless driver na kung umasta ay mga hari sa lansangan,” pahayag ni Gov. Vi.
Ayon naman kay Vice Governor Mark Leviste, sa kabila ng paulit-ulit na request sa pamunuan ng Star Tollway na maglagay ng mga safety nets tulad ng paglalagay ng CCTV at mga signages na nagbabawal ng hindi naka seat belt, paggamit ng cell phone, no-overtaking at pagmamaneho ng lasing ay nanatili itong hindi naisasagawa.
Magugunitang nasawi ang pitong magkakamag-anak kamakalawa ng hapon matapos sumalpok ang sinasakyan nilang jeepney sa pampasaherong bus na umobertake sa kotse sa may KM 98 sa Barangay Quilo, sa bayan ng Ibaan, Batangas.
Samantala, nanatili pa rin sa Batangas Regional Hospital ang mga sugatang sina Frank Ace Festijo, Marilyn Festijo, Annabel Festijo at si Aaron Festijo.