BATANGAS, Philippines – Pitong miyembro ng pamilya kabilang na ang isang 2-anyos na bata ang kumpirmadong namatay habang apat iba pa ang sugatan makaraang magsalpukan ang pampasaherong bus, pampasaherong jeepney at isang kotse sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) tollway sa bayan ng Ibaan, Batangas kahapon ng tanghali.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang mga nasawi ay ang mag-asawang Francisco at Joselyn Festijo, mga anak na sina Laurenz, 2; Jermel, 10; Elizardo Festijo, Maricris Festijo; at ang jeepney driver na si Zosimo Festijo, pawang mga nakatira sa Rizal province.
Sugatan naman sina Frank Ace Festijo, Marilyn Festijo, Annabel Festijo at si Aaron Festijo na pawang ginagamot sa Batangas Regional Hospital sa Batangas City.
Samantala, nakaligtas naman ang driver ng kotse na si Atty. Genalyn Bagun, kawani ng Laguna Vice Governor’s Office na lulan ng kulay itim na Nissan Sentra (SFB-447).
Ayon kay SPO4 Nelio Lopez, chief investigator ng Ibaan PNP, binabagtas ng Gasat Express (TYK-287) ni Aurelio Doktora ang Star tollway patungong Batangas nang mag-overtake sa harapang kotse ni Atty. Bagun sa KM 98, Barangay Quilo.
“Apparently, the bus hit the back portion of Bagun’s car when he swerved to the opposite direction and subsequently hitting the oncoming passenger jeepney (PET-814) killing seven of its passengers instantly,” pahayag ni SPO4 Lopez.
“Hindi naman mabilis ang takbo namin, ang mabilis ay ang jeenpey na kasalubong namin kaya kami nabangga,” ani Daniel Maliksi, isa sa mga pasahero ng bus.
“Pahintu-hinto ang kotse sa harap namin na parang nasiraan kaya inobertikan ng driver namin,” dagdag pa ni Maliksi.
Patungo sana ng Iloilo galing Cubao via nautical highway ang sinasakyan nilang bus nang maaksidente.
Sa panayam ng PSNGAYON kay Martin Bagui, kamag-anak ng isa sa mga nasawi, nagdaos umano ng New Year ang kanyang mga kamag-anak sa kanilang bahay sa Barangay Tingga Itaas sa Batangas City at papauwi na nang makasalubong si kamatayan.
Samantala, kasalukuyang iniimbestigahan ang bus driver na si Aurelio Doktora na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple serious physical injuries and damage to property. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat