MANILA, Philippines -Tatlo katao ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan sa karambola ng isang ambulansya at tatlong motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika highway, Brgy. Castillano, San Leonardo, Nueva Ecija noong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na pawang motorcycle riders na sina Ramir Miranda at Edgardo Sarmiento na magkaangkas sa motorsiklo ang isa pa ay Gerardo Martin na sakay naman ng isa pang motorsiklo.
Ang driver ng ambulansya na si Roger Abuan at isa pang biktima na si John Paul Panganiban, 19- anyos ay sugatan namang isinugod sa pagamutan.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Chief Inspector Francisco Mateo, hepe ng San Leonardo kasalukuyang bumabagtas sa Maharlika highway ang nasabing ambulansya ng makabanggan ang isang motorsiklo bandang alas-11:30 ng gabi.
Sa lakas ng banggaan ay dalawa pang motorsiklo ang nadamay sa karambola ng sasakyan sa nasabing lugar.
Nabatid na ang nasabing ambulansya ay galing sa Maynila para maghatid ng pasyente ng mangyari ang sakuna. Nasa ligtas namang kalagayan ang naturang pasyente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.