MANILA, Philippines - Kamatayan sa nalalapit na Kapaskuhan ang sumalubong sa isang 7-anyos na batang babae makaraang gilitan ng kanyang 15-anyos na kuya na sinasabing may diperensya sa pag-iisip sa bayan ng Sangay, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Jonathan Abang, Camarines Sur police director, naganap ang krimen sa tabing-ilog, sa Brgy. Kilantaao dakong alas-9 ng umaga.
Taliwas sa mga napaulat sa radyo na iwinagayway pa ng suspek ang pugot na ulo ng bunsong kapatid habang naglalakad sa kalsada.
Gayon pa man, nilinaw ni Abang na wala itong katotohanan at ginilitan lamang ang biktima ng sariling kuya.
Lumilitaw na nagulantang na lamang ang mga residente sa nabanggit na barangay nang kumalat ang balitang ginilitan si Babylyn matapos matagpuan ng kanyang ama na si Eduardo Hermogeno.
Nabatid na iniwan ng ama ang mag-utol habang nag-aalmusal dahil may aasikasuhin.
Duguan pa ang damit nang mamataan ng mga kapitbahay ang suspek na itinago naman sa pangalang Angelo bunga ng pagiging menor-de-edad nito matapos na gilitan ang nakababatang kapatid.
Napag-alaman na walang kasama sa bahay ang mag-utol nang maganap ang krimen.
Ayon kay Jesus Hermogeno, tiyunin ng mag-utol, na posibleng sinumpong na naman ang kanyang pamangkin kaya nagawang patayin ang nakababata nitong kapatid.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development ang suspek.