MANILA, Philippines - Isang Panamian cargo vessel na may lulang 22 tripulante ang lumubog sa karagatang nasasakupan ng Batanes, ayon sa pulisya kahapon.
Bunga nito, naglunsad ng search and rescue operations ang pinagsanib na elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy upang iligtas ang mga nawawala pang mga tripulante.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt Agrimero Cruz, base sa nakalap na impormasyon, naganap ang paglubog ng Panamian Cargo Vessel na M/V Hong Wei dakong alas-3:22 ng hapon.
Nabatid na may 24 na crew ang MV Hong Wei na galing sa China nang aksidente itong lumubog may 120 nautical miles southwest ng Itbayat Island sa Batanes.
Sa report na ipinarating kahapon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ni PCG spokesman Lt. Commander Armand Balilo na ang Japanese Coast Guard ang nakatanggap ng distress call at inalerto ang counterpart nito sa Pilipinas. Nagpadala na rin ng rescue vessel ang PCG at Philippine Navy upang hanapin ang sampung nalalabing tripulante ng barko na nawawala pa. Magsasagawa rin ng aerial surveillance ang PCG habang tutulong naman ang Japanese Coast Guard sa paghahanap sa mga tripulante ng barko. Nabatid na nasagip ng napadaan sa lugar na barkong MV Shun Tong ang labindalawa sa mga crew habang dalawa naman ang nailigtas ng Taiwan Coast Guard.