Encounter: Sundalo todas, 1 pa sugatan

MANILA, Philippines –  Patay ang isang Army Private habang isa pa ang nasugatan makaraang makasagupa ng tropa ng military ang isang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Bgy. Puray, Rodriguez, Rizal kamakalawa.

Nasawi ang biktima si Pvt. Reagan Domingo habang sugatan naman si Pf­c. Charlie Renon na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.

 Sa ulat na tinanggap kahapon ni Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, bandang alas -4 ng hapon ng makasagupa ng tropa ng militar ang grupo ng mga armadong rebelde sa ilalim ng Narciso Antazo Aramil Command, Kilusang Larangan Guerilla 53 sa nasabing lugar.

 Kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ope­ration ang tropa ng mga sundalo ng masabat ang grupo ng mga rebelde na nauwi sa bakbakan.

 Sa kasagsagan ng putukan ay napuruhan si Domingo na siya nitong ikinamatay habang mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga nalagas sa kanilang mga kasamahan.

 Naglunsad na ng pursuit operations ang pinagsanib na mga elemento ng Philippine Army at PNP-Special Action Force laban sa grupo ng mga rebeldeng komunista.

Show comments