Patay na sanggol natagpuan

LUCENA CITY, Philippines  — Isang patay na sanggol na lalaki ang natagpuang nakalagay sa loob ng isang kahon sa bakanteng lote na sakop ng Purok Pagkakaisa, Bgy. Gulang-gulang, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay PO1 Ana Paral ng Lucena Womens Desk Section, kasisilang pa lamang ng sanggol at may mga bahid pa ng dugo ang katawan nito bagamat may suot itong lampin.

Dakong alas-3:00 ng hapon habang nasa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan nang matagpuan ng basurerong si Castelo Magpantay ang sanggol habang naghahalungkat ito ng mga basurang maipagbibili.

May hinala ang pulisya na namatay sa gutom at lamig ang sanggol at sa takot ng walang puso nitong ina ay inilagay na lamang ito sa kahon saka itinapon sa bakanteng lote.

Binasbasan ng pari ang mga labi ng munting anghel saka inilibing sa pampublikong sementeryo.

Show comments