MANILA, Philippines - Labintatlo-katao kabilang ang dalawang piloto ang sugatang nailigtas makaraang bumagsak ang maliit na eroplano sa Cagayan River sa Barangay San Vicente, sa bayan ng Iguig, Cagayan kahapon. Sa report ni P/Senior Supt. Mao Aplasca, lulan ng beechcraft na may tail number RPC-1111 sina Captains Agustin Jose at Benedict de la Cruz mula sa Basco, Batanes patungong Tuguegarao City, Cagayan nang biglang magloko ang makina sa ere at tuluyang bumagsak. Bukod sa 2 piloto ay sugatang nasagip din sina Rustom Hontonia, Jack Castano, Jovani Pahodpod, David Batan, Benedict John Acebes, Mae Jane Agcaoili, Harold Agito, 13; Kate Vallentes, Mika Horkajo, 5; Jana Horkajo at si Yale Mark Elep. Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng opisyal na biglang huminto sa himpapawid ang eroplano matapos na magloko ang makina kaya napilitan ang dalawang piloto na mag-emergency landing kung saan sa Cagayan River bumagsak.