KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines – Lima katao ang inaresto ng pulisya kasunod ng pagkakasamsam ng libu-libong piraso ng illegal na paputok sa raid sa lungsod na ito kahapon.
Kinilala ni Bulacan Provincial Director Sr. Supt.Fernando Villanueva ang mga naaresto na sina Benjamin Sta. Maria, 68; Danilo Buenaflor, 48; Fernando Bollosa, 42; Bonifacia Valelor, 49 at Virginia Mina, 40-taong gulang; pawang ng lalawigang ito.
Bandang ala-1:30 ng hapon ng salakayin ng mga awtoridad ang illegal na pagawaan ng paputok ni Sta. Maria sa lungsod at nakasamsam dito ng may 2000 piraso ng kwitis na pawang mga walang tatak, pulbura, bunton ng mitsa.
Sumunod namang ni-raid ang mga pagawaan nina Buenaflor, Bollosa at Valelor sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Igulot at Mina sa Brgy. Bunlo na nakasamsam naman ng sari-saring uri ng malalakas na paputok na wala din mga tatak.
Ayon sa opisyal, ang naturang pagsalakay ay bunsod ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga illegal na pagawaan ng paputok sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan at bagong taon upang makaiwas sa sakuna.