MANILA, Philippines – Sa pag-aakalang laruan ang napulot na homemade cal. 22 pistola, binaril ng isang 8-anyos na lalaki ang kalarong 14-anyos na dalagita sa bisinidad ng Barangay Apas, Cebu City, Cebu kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa Perpetual Succor Hospital si Mary Jie Carbos, 3rd year high school student matapos mapuruhan ng bala sa dibdib.
Itinago naman sa pangalang Junjun ang suspek na kasalukuyang sumasailalim sa pangangaral ng mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil na rin sa itinatadhana ng batas ay hindi maaring makulong.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa harapan ng bahay ni Junjun dakong alas-5 ng hapon.
Lumilitaw na hinahanap ng biktima ang nakababata nitong kapatid nang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril na tumama sa kanyang dibdib.
Sa pahayag ni Junjun, natagpuan niya ang nakatagong baril habang naglalaro sa bakuran ng isa sa kanilang mga kapitbahay.
Ayon sa pulisya, sa pag-aakalang laruan ay kinuha ito ni Junjun at kinalabit ang gatilyo kung saan tumama naman sa dalagita.
Nagresponde naman ang mga tauhan ng Cebu City’s Mobile Patrol Group kung saan narekober ang baril at basyo ng bala sa crime scene.