Mayor sugatan sa ambush

MANILA, Philippines - Nagmintis ang patibong ni kamatayan laban sa isang alkalde ng Tugue­garao City makaraang makaligtas sa pananambang sa harapan ng hotel noong Lunes ng gabi sa nabanggit na lungsod­.

Sugatang naisugod sa St. Paul Hospital si Mayor Delfin Telan Ting, 72 matapos­ magtamo ng mga tama ng bala na baril sa katawan.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Mao Aplasca, naganap ang pamamaril sa harapan ng Delfino Hotel and Restaurant sa kahabaan ng Bonifacio Street dakong alas-6:15 ng gabi.

Lumilitaw na nakatayo sa harapan ng hotel ang biktima nang lapitan at ratratin ng ’di-pa kilalang lalaki na kaagad naman tumakas matapos ang pamamaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ilong  ang biktima kung saan naisugod naman sa nabanggit na ospital.

Bago maganap ang pamamaril ay ipinaabot ng biktima sa pulisya ang mga natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay sa text messages.

Pinaniniwalaang may kaugnayan sa pulitika ang pamamaril kay Mayor Ting habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments