BATAAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ang dalawang nagpanggap na tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos maaresto ng pulisya sa aktong nangingikil sa dalawang negosyante ng DVDs accessories sa pampublikong pelengke sa Barangay Palihan, Hermosa, Bataan kamakalawa ng hapon. Pormal na kinasuhan ni P/Chief Inspector Heremias Dayo Jr., hepe ng Hermosa PNP ang mga suspek na sina Romulo Cana, 39, ng Barangay Central Quezon City at Gilbert Burlat, 47, ng Barangay Duhat Bocaue, Bulacan. Ayon sa ulat, ang mga suspek ay inireklamo ng dalawang trader na sina Ann Ala, 34; at Richelle Ala, 26, kapwa nakatira sa Barangay Palihan. Nabatid na hinihingan ng malaking halaga ang dalawang negosyante para hindi na maisturbo sa isasagawang raid laban sa mga pirated CDs at DVDs. Narekober sa mga suspek ang Toyota Emina na may plakang REU-824.