MANILA, Philippines – Matapos ang limang oras na pagkaka-trap sa loob ng gumuhong tunnel, matagumpay na nailigtas ang dalawang minero sa isang minahan sa Brgy. Ucab, Itogon, Benguet, kamakalawa.
Kinilala ang mga ito na sina John Bas-ang, 23 anyos ng Itogon, Benguet at Gerry Acloben, 20 taong gulang ng Bontoc, Mt. Province.
Masuwerte namang hindi nagtamo ng anumang galos sa katawan sina Bas-ang at Acloben sa naturang insidente. Sa ulat ng Cordillera Police, bandang alas-11 ng umaga ng makatanggap ng report ang Itogon Municipal Police Station (MPS) sa pagkaka-trap ng dalawang minero sa tunnel ng minahan sa Sitio Garrison sa Brgy. Ucab ng bayang ito.
Ang mga biktima ay nailigtas bandang alas-4 ng hapon. Base sa imbestigasyon, gumuho ang tunnel ng minahan habang nagtatrabaho sa loob ang mga minero bunsod ng mga paglambot ng lupa sanhi ng mga pag-ulan nitong nakalipas na mga araw.
Naging maagap naman ang mga kasamahang minero ng mga biktima na nagbayanihan upang sagipin ang mga na-trap nilang kasamahan.