Camp Vicente Lim, Laguna, Philippines – Apat katao kabilang ang dalawang empleyado ng SM ang nasawi matapos sumalpok ang kanilang mga sasakyan sa magkahiwalay na insidente na naganap sa Batangas at Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Chief Superintendent Samuel Pagdilao, Jr., Region 4 Police Director ang mga nasawing sina Ronnel Balmes, 24, residente ng Barangay Dalig, Batangas City at Raymond Aguda, 21 ng Sitio Bulihan, Barangay Balete, Batangas City kapwa empleyado ng SM Batangas City Branch.
Patay din ang truck driver na si Alfredo Abustad ng Barangay Sto. Tomas, Luisiana, Laguna at ang kanyang truck-helper na si Jessie Boyles ng Marulas,Valenzuela.
Dalawa namang truck helper na nakilalang sina Vicente Ramos at Edelio Nabida ang sugatan at kasalukuyang ginagamot sa San Pablo City District Hospital.
Bandang ala-1:30 ng umaga nang sumalpok sa poste ng kuryente ang motorsiklong sinasakyan nina Balmes at Aguda pagsapit sa kahabaan ng Diversion Road sa Brgy. Bolbok ng nasabing bayan na ikinamatay na mga ito.
Samantala sa Alaminos, Laguna, binabagtas naman ni Abustad ang highway sakay ng isang 10-wheeler truck ( WEP-296) ng mawalan ito ng kontrol pagsapit sa kanto ng Del Pilar at Pandiño Street sa Barangay 2 bandang alas-5:45 ng umaga.
Dead-on-the-spot sa insidente sina Abustad at Boyles ng maipit ang kanilang sasakyan sa poste. Patuloy ang imbestigasyon sa naturang mga kaso.