Konsehal dinedo sa lotto outlet

MANILA, Philippines - Isa na namang bagong halal na konsehal ng barangay ang sinalubong ni kamatayan makaraang pagbabarilin sa lotto outlet sa bayan ng Imelda, Zamboanga Sibugay kamakalawa. Tatlong bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Konsehal Benedicto Asuela ng Barangay La Victoria sa nabanggit na bayan. Ayon kay P/Chief Supt. Edwin Corvera, nasa harapan ng lotto outlet sa Barangay Poblacion ang biktima para tumaya nang lapitan at ratratin ng maskaradong lalaki. Kaagad na tumakas ang gunman lulan ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Siay, Zamboanga del Norte. Si Asuela na dating barangay chairman ay kumandidato at nanalong barangay konsehal sa katatapos na barangay at Sangguniang Kabataan elections noong Oktubre 25.

Show comments