BATAAN, Philippines — Idineklara na ang state of calamity sa dalawa sa walong bayan sa 1st district sa lalawigan ng Bataan matapos na tumaas ang level red toxic sa lahat ng uri ng lamandagat sa baybaying karagatan.
Kabilang sa mga bayan na nagdeklara ng kalamidad ay ang Orani at Samal kung saan kumpirmado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon na patuloy na tumataas ang red tide organism.
Dahil dito, ay nawalan ng hanapbuhay ang may 3,000 mangingisda na umaasa sa panghuhuli ng mga lamandagat.
Base sa resulta na tumaas ang red tide toxin ay umaabot na sa 1,186 micrograms/100 grams of mussel meat samantalang 300 micro grams/100 grams of mussel meat naman ang naitala sa bayan ng Abucay, ayon kay Imelda Inieto, provincial agriculturist.
Gayon pa man, ligtas kainin ang lahat ng uri ng isda alisin lang ang hasang at bituka maging ang alimasag at talangka, alisin lang ang ulo ng hipon.
Naglaan naman ng ayudang tulong ang Provincial Government sa mga naapektuhang mangingisda, subali’t pinag-aaralan na ng probinsiya kung gaano ang lawak ng pinsala ng nasabing fishing industry.