MANILA, Philippines - Walo ang nasawi karamihan ay mga saleslady matapos na makulong ng apoy sa loob ng nasunog na grocery store kahapon ng madaling-araw sa Cagayan de Oro City. Kinilala ni Chief Inspector Benigno Amomonpon, Fire Marshall ng Cagayan de Oro City ang mga nasawing biktima na sina Luz Pana, manager ng grocery store; mga saleslady na sina Emilyn Chung, Chembelyn Macusi, Jackilyn Resureccion, Cheryl Tortugo, Lorena Pahunang, Russel Padero at Benjie Taneo.
Hindi na halos makilala ang mga biktima matapos na magmistulang uling ang mga katawan sa nasabing insidente. Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Sabal Hospital ang limang nasugatan na nagtamo ng 3rd degree burn sa kanilang mga katawan sa naturang insidente.
Base sa imbestigasyon, sinabi ng opisyal na dakong alas-2:25 ng madaling araw ng lamunin ng apoy ang SP Food and Grocery na nasa ikalawang palapag sa gusaling matatagpuan sa kahabaan ng Puerto sa Public Market ng lungsod.
Ang establisimento ay pag-aari ni Elsa Pana kung saan ang mga saleslady at boy dito ay sa ikalawang palapag ng gusali natutulog. Kasalukuyang mahimbing na natutulog ang mga biktima ng makulong ang mga ito ng apoy na mabilis na kumalat sa buong grocery store kung saan nagawang makaligtas ng mga kasamahan ng mga ito matapos na wasakin ang 'iron grill' ng bintana sa ikalawang palapag ng gusali.
Naapula ang sunog bandang alas-4:15 ng madaling araw.