IBA, Zambales, Philippines — Apat katao ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya matapos na maaktuhang nagsasagawa ng ‘pot session' ng mga adik sa ipinagbabawal na droga na naganap sa bayang ito kahapon ng tanghali.
Batay sa report ni Sr. Insp. Gilbert C. Diaz, hepe ng pulisya, kinilala ang mga suspek na sina Ricardo Novelas alyas “Boy Siakol”, 43 may-asawa; Ronnie Bautista,47 may-asawa; pawang nakatira sa Arellano St., Zone-5; Daisy Dela Torre, 28; ng Brgy. Lipay-Dingin ng bayang Iba at Jorland Tumacay, 34 may-asawa isang private nurse na nakatira sa Brgy Santiago, Botolan Zambales.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa illegal na aktibidades ng mga suspek sa nasabing lugar. Agad isinagawa ang raid na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na naaktuhang humihitit ng droga.
Nakumpiska sa mga ito ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu, mga drug paraphernalias at isang kulay pulang Mitsubishi van na may plakang CLI –789.