QUEZON, Philippines — Napaslang ang isang dalagang dentista matapos pagsasaksakin ng kanyang trabahador sa pag-aaring babuyan sa Barangay Niing sa bayan ng San Antonio, Quezon kamakalawa ng umaga. Napuruhan sa likurang bahagi ng katawan si Dra. Maria T. Denia ng Barangay Poblacion habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Rodrigo Garcia. Sa pagsisiyasat ni PO3 Joseph Ramirez, lumilitaw na binisita ng biktima ang kanyang babuyan kung saan katiwala ang suspek sa nabanggit na barangay. Gayon pa man, nagalit ang biktima dahil sa pagpapabaya ng suspek sa mga inaalagaan baboy. Dito nagalit at inundayan ng ilang saksak ng suspek ang biktima.