BALANGA CITY, Bataan, Philippines – Apatnaput-isang bilanggo ang malubhang nasugatan matapos na hambalusin ng dos por dos ng mga jail guard samantalang labing siyam naman ang inilipat ng kulungan sa labas ng lalawigan makaraang magsagawa ng apat na oras na noise barrage sa loob ng selda ng zone 1 at 2 ng Bataan District Jail na pinapatakbo ng Bureau of Jail Management and Penology na nasa capitol compound Balanga City, Bataan noong Sabado ng hapon.
Sa naantalang report na ipinalabas ni Atty. Dante Ilaya, Director ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Bataan Chapter, kinumpirma nito na talagang malubhang nasugatan ang mga bilanggo nang tangkain ng mga ito na palawigin pa ang noise barrage sa kulungan.
Ayon sa isang saksi, nakita nito ang lahat ng pangyayari na sa kwento nito gusto lamang nila ang mag-ingay para malaman ng management ng BJMP ang kanilang karaingan na isa nga rito ay ang maling pamamalakad ng bagong Warden ng BJMP.
Nang isagawa ang noise barrage ay binomba sila ng tubig saka nagpaputok ng baril ang isa sa mga jail guard saka pinadapa lahat ng preso saka pinagpapalo ang mga preso ng dos-por-dos na kahoy ng mga jail guards.
Idinagdag pa ni Atty. Ilaya, pinagdadampot ang mga ‘mayor’ ng mga selda at mga namuno sa pag-iingay tsaka pinahirapan sa bugbog, hambalos ng dos-por-dos na kung saan nagtamo ng mga pasa sa katawan.
Kaugnay nito hiniling ng IBP Bataan Chapter sa korte na gumawa ng resolusyon para suriin ng mga doctor sa Bataan General Hospital ang mga nasugatang mga bilanggo na agad namang kinatigan ng mga doktor ng BGH.
Ang usaping ito ay nakarating na sa Department of Interior and Local Government at Commission on Human Rights kasunod ang isasagawang imbestigasyon sa jail.