STA.MARIA, Bulacan, Philippines —Isang negosyanteng babae ang tinadtad ng saksak ng kanyang dating kusinero at agaw-buhay ngayon sa pagamutan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Caypombo ng bayang ito.
Kinilala ang biktima na si Lolita Pascual, 35-anyos, may-ari ng karinderya sa nasabing lugar habang naaresto naman agad ang suspek na si Dennie Lacerna, 39, ng Las Palmas Subdivision ng naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-6:45 kamakalawa ng gabi ng sumugod ang suspek sa karinderya na armado ng 12-pulgadang haba na kutsilyo saka sinaksak ang kanyang dating amo.
Napag-alaman na tinanggal sa trabaho ang suspek ng biktima kaya nagtanim ito ng sama ng loob.
Lalong nagalit ang suspek ng ‘siraan’ pa siya ng kanyang dating amo sa mga gusto niyang pasukan kaya naisip nitong gumanti na lamang sa amo.
Dinala ang sugatang biktima sa isang ospital sa Quezon City habang naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operations dito.