CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawa-katao ang iniulat na napaslang samantalang limang iba pa ang nasugatan mata pos mag ala-Rambo ang isang sundalo ng Cafgu (Citizens Armed Forces Geographical Unit) habang nasa lamay sa bayan ng Pagsanjan, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Insp. Luis Perez, hepe ng Pagsanjan PNP ang suspek na si Teodoro Rizare, 29, ng Brgy. Buboy, Pagsanjan, isang rebel returnee at miyembro ng Cafgu sa ilalim ng Philippine Army.
Ayon sa police report, dumalaw si Rizare sa lamay ng kaniyang kapitbahay na nakainom na hanggang masagi nito ang isang matanda at akmang sasaktan nito subalit pinagtulungang bugbugin ng ilang bisita.
Gulpi-saradong umalis si Rizare pero nang bumalik ito ay bitbit na ang Carbine at niratrat ang mga tao sa lamay.
Nasawi ang mag-asawang Bernardo “Boy” Flores at Mylene Dollas, samantalang nagtamo naman ng tama sa ulo ang kanilang anak na si Babylyn Dollas, 12, na nasa kritikal na kondisyon.
Sugatang naisugod sa Laguna Provincial Hospital sa bayan ng Sta. Cruz sina Emelita Albano,68; Edren Forteza, 5; Joel Ablao, 31; at si Alaphata delos Santos, 44.
Nakatakas si Rizare subalit nadakma ng mga rumespondeng pulisya at mga sundalo ng Phil. Army sa bayan ng Pagsanjan matapos ang ilang oras na operasyon.