RIZAL, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang apat iba pa ang sugatan makaraang ratratin ng mga ‘di-pa kilalang lalaki ang nag-iinumang grupo ng kalalakihan sa bayan ng Rodriguez, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Jessie Boy Placer, 30, sub-contractor at Eduardo Magtantay, 33, kapwa nakatira sa Blk-11, Lot-8, Phase-3, Villa San Isidro sa nasabing bayan.
Nasa Amang Rodriguez Medical Center at Quirino Memorial Hospital ang mga sugatang sina Ernesto Placer, 52; Claire Cristobal, 32, ng Blk-17, Lot-1 Villa San Isidro; Ruel Placer, 27; at si Brian Alvarez, 29.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 8:20 ng gabi nang pagbabarilin ang masayang nag-iinumang mga biktima sa bahay ng sub-contractor na si Jessie Boy.
Nabatid naman na naglalakad lamang malapit sa lugar ng krimen ang babaeng si Cristobal nang mahagip ng ligaw na bala.
May teorya ang pulisya na maaaring may kaugnayan sa patakbo ni Placer sa kanyang mga trabahador ang ugat ng krimen dahil sa may isang buwan na hindi nito pinasasahod ang mga tauhan.