MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni PNP chief Raul Bacalzo ang isang hepe ng pulisya sa Nueva Ecija dahil sa pag-iral ng jueteng sa nasasakupan nito.
Sasampahan din ng kasong administratibo si Chief Inspector Peter Madria, hepe ng Cabiao police station sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa 1-strike policy ni PNP chief Bacalzo laban sa jueteng.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., si Chief Insp. Madria ang nasampolan ng 1-strike policy ng PNP chief laban sa jueteng matapos mahulihan ng bawal na sugal ang kanyang nasasakupan.
Ang itinalagang bagong hepe ng Cabiao police ay si Chief Inspector Jonathan Alayan matapos na ilagay sa ‘floating status' si Madria habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Base sa report ni Sr. Supt. Roberto Aliggayu, Director ng Nueva Ecija Police, nasibak si Madria sa puwesto matapos na maaresto ang apat katao na nagsasagawa ng STL bookies sa illegal outlets sa kaniyang hurisdiksyon.
Nabatid na ang mga naarestong suspek ay nagsusuperbisa sa jueteng sa halip na sa STL, ang number game na inilunsad ng gobyerno upang ipantapat sa illegal number game na operasyon ng jueteng.
Nagpapatuloy naman ang mahigpit na pagpa patupad sa one strike policy kontra jueteng na siyang ipinalabas na direktiba ng PNP chief.